Lunes, Agosto 1, 2011

Paglalakbay sa Nakaraan

     Ano nga ba ang Pilipinas noong unang panahon? Paano nga ba ang pamumuhay ng mga Pilipino at paano sila nakipagsapalaran?
Nitong nakaraang ika-22 ng Hulyo, 2011 nagkaroon kami ng aking mga kaiskwela at guro na si Bb. Thelma Villaflores sa asignaturang PHILLITA at PHILGOV nang isang paglalakbay, paglalakbay upang kahit papaano'y mahapyawan namin ang nakaraan ng ating bansang Pilipinas. Kami'y nagpunta sa Ayala Museum, National Museum, at sa Intramuros.

     Ang unang pinuntahan namin ay ang Ayala Museum kung saan nakita namin ang iba't ibang bagay na bumuo sa pagiging Pilipino ng isang taong nakatira sa Pilipinas. Sa ikaapat na palapag ng museo ay makikita ang iba't ibang artifacts na natagpuan sa iba't ibang panig ng Pilipinas. Ang pumukaw sa aking atensyon ay ang "Gold of Ancestors" seksyon nila kung saan makikita ang iba't ibang gintong ginawang palamuti ng mga sinaunang tao. Sadyang dati pa ay ginagamit na ang ginto upang ipakita ang estado ng isang tao sa buhay. Ang ginto ang nagpapakita ng yaman ng isang tao na magpahanggang ngayon ay nasasabi kong nangyayari pa din; sa pamamagitan ng mga gintong alahas, gintong salapi, at gintong yaman na pinapalibutan ang mga mayayamang taong ito, literal man o hindi. Nakakabilib na napreserba nila ang mga bagay na ito dahil isang malaking parte ng pagiging isang Pilipino ang mga bagay na ito. Sa ikatlong palapag naman ay nagpapakita ng arts ng Pilipinas. Makikita dito ang mga paintings ng iba't ibang pintor ng Pilipinas. Base sa mga likha nila, mababasa mo kung ano silang klaseng tao. Hindi man ako marunong kumilatis ng mga likhang ito ngunit ako'y humanga sa kanilang galing at nagagalak akong makita ang mga likhang itong nagsasabi na ang literatura ng Pilipinas ay sadyang mayaman.
At sa ikalawang palapag naman ay ang mga dayorama na nagpapakita ng kasaysayan ng ating bansa, simula sa sinaunang pamumuhay hanggang sa nakamit natin ang demokrasya. Nakita ko dito ang pagsisikap at hirap ng mga Pilipino sa kamay ng mga dayuhan upang makamit lamang ang kapayapaang nais matamasa. Bawat dayorama ay inaantig at pinapamangha ang aking puso, hindi lang dahil sa ganda ng pagkakagawa kundi ang nilalaman nito na nagpapakita ng tapang ng mga Pilipino. At nang dahil sa mga pagsisikap at tapang na ito kaya't naging maganda na ang ating pamumuhay sa ngayon.

     Ang sunod naming pinuntahan ay ang National Museum, maganda ang pagkakasyos ng mga artifacts sa museo, nakakadagdag ito ng atraksyon at buhay sa mga naka-display.


Ang ibang mga bagay dito ay nagpapakita ng mga kultura at ginagamit sa mga ritual ng mga sinaunang tao, na nakakabilib dahil sa kakaibang kultura na ito. May isang parte tin sa museong ito na ang mga pinapakita ay mga preserbadong labi ng mga kakaiba o di kaya'y dito sa Pilipinas lamang makikita.

Pinapakita lamang nito kung gaano kayaman ang Pilipinas sa mga yamang lupa at tubig na dapat talaga nating ipagmalaki.

May mga painting sections din sa museo ng isang pintor na malaki ang naibahagi sa kultura at literatura ng Pilipinas. Ang mga Pilipino ay sadyang likas na mga malikhain.

Ang huling pinuntahan namin ay ang Intramuros. Magandang maglakad-lakad sa Intramuros dahil sa mga imprastraktura ng mga gusali dito. Napanatili kasi nila ang ayos at disenyo ng mga gusali dito na naging dahilan kung bakit naging tourist spot ang Intramuros bukod sa kasaysayang dala ng lugar na ito. Malaki ang naging kontribusyon ng lugar na ito sa kasaysayan ng Pilipinas kaya't masaya ako na nadalaw at nagunita ko muli ang mayamang kasaysayan ng Intramuros. Nakakabilib pa rin na makita ang mga gusaling sadyang nagbibigay ng ilusyon para sa akin na ako'y nakarating sa nakaraang panahon.


Masayang gunitain, tuklasin at matuto muli ang mga bagay-bagay na malaki ang naging parte sa kung ano tayo ngayon. Pilipino ka man o hindi, tara! tayo'y maglakbay sa Nakaraan!

Walang komento: